Malamang o tiyak na totoo
Hindi totoo/maling impormasyon
Hindi pa kami sigurado
Nagdudulot ng kanser ang mga pill na pampigil ng pagbubuntis (mga iniinom na kontraseptibo)
Ang maaaring narinig mo
Mas mataas ang panganib na magkaroon ng kanser ang mga taong umiinom ng mga pill na pampigil ng pagbubuntis.
Ang sinasabi ng agham sa atin
Ginagamit ang mga pill na pampigil ng pagbubuntis para maiwasan ang pagbubuntis at may dalawang hormone ang mga ito: estrogen at progesterone na tumutulong na kontrolin ang cycle ng pagreregla (Cleveland Clinic). Pinipigilan ng mga birth control pill ang pagbubuntis sa pamamagitan ng pagpigil sa pag-ovulate at pagpigil ng pagpasok ng sperm sa cervix. Ito ang pinakakaraniwang inireresetang uri ng iniinom na kontraseptibo (kadalasang tinatawag na “the pill” o paminsan-minsang “birth control”) sa Estados Unidos.
Epidemiological na Katibayan
Magkakaiba ang katibayan tungkol sa mga pill na pampigil ng pagbubuntis at kanser, depende sa uri ng kanser: Pinapataas nang kaunti ng mga iniinom na kontraseptibo ang panganib na magkaroon ng kanser sa suso at cervix, ngunit pinapababa nito ang panganib na magkaroon ng endometrial, ovarian, at colorectal cancer.
- Suso: Mas mataas nang kaunti (7%) ang panganib para sa mga babaeng gumamit na ng mga iniinom na kontraseptibo kumpara sa mga babaeng hindi pa kailanman gumamit ng mga iniinom na kontraseptibo. Mas mataas nang 24% ang panganib para sa mga babaeng kasalukuyang gumagamit ng mga iniinom na kontraseptibo. Tumataas din ang panganib na magkaroon ng kanser sa suso kapag mas matagal ang paggamit ng mga iniinom na kontraseptibo (NCI).
- Cervix: Mas mataas ang panganib na magkaroon ng kanser sa cervix ang mga babaeng gumamit ng mga iniinom na kontraseptibo nang 5 taon o higit pa kumpara sa mga babaeng hindi pa kailanmang gumamit ng mga pill na pampigil ng pagbubuntis. Kapag mas matagal ginagamit ng isang babae ang mga iniinom na kontraseptibo, mas mataas ang panganib na magkaroon siya ng kanser sa cervix(NCI).
- Endometrial (Uterine): Mas mababa nang 30% ang panganib na magkaroon ng endometrial cancer ang mga babaeng gumamit na ng mga iniinom na kontraseptibo(NCI). Nagpapatuloy ang pumoprotektang epekto na ito nang maraming taon pagkatapos tumigil ang babae sa paggamit ng mga iniinom na kontraseptibo.
- Ovarian: Ang paggamit ng mga iniinom na kontraseptibo ay nagdudulot ng 30-50% na mas mababang panganib na magkaroon ng ovarian cancer para sa mga babaeng hindi pa kailanman gumagamit ng mga iniinom na kontraseptibo (NCI). Tumataas ang proteksyong ito alinsunod sa tagal ng panahon na ginamit ang mga iniinom na kontraseptibo.
- Colorectal: Pinapababa ng mga iniinom na kontraseptibo ang panganib na magkaroon ng colorectal cancer nang 15% hanggang 20% (NCI).
Katibayan sa Laboratoryo/Pansuportang Katibayan
May mga epekto sa selula at tisyu ang mga pagkalantad sa hormone sa laboratoryo at pag-aaral sa hayop na sa pangkalahatan ay naaayon sa epidemiological na katibayan.
Klasipikasyon sa Carcinogen ng IARC: Group 1 (Carcinogenic sa mga Tao)
Paano bawasan ang panganib sa iyo
Kausapin ang iyong doktor tungkol sa lahat ng opsyon sa kontraseptibo at ang mga posibleng panganib bago magdesisyon. Maaaring nasa panganib ka para sa ilang gynecological cancer dahil sa iyong edad, timbang, reproduktibong kasaysayan, at kasaysayan ng pamilya. Maaaring mailagay ng mga pill na pampigil ng pagbubuntis ang mga babae sa mas mataas na panganib para sa ibang problema sa kalusugan, tulad ng mga pamumuo ng dugo, sakit sa puso, at stroke (MD Anderson).
May mas malalaking salik ng panganib para sa kanser kaysa mga iniinom na kontraseptibo. Halimbawa, mas maraming kaso ng kanser sa cervix ang dulot ng human papillomavirus (HPV) kaysa pag-inom ng pill, at mas maraming kaso ng kanser sa suso ang dulot ng hindi mabuting diyeta at kaunting pisikal na aktibidad kaysa mga iniinom na kontraseptibo (MD Anderson).
Panghuli, maraming ibang opsyon sa kontraseptibo na hindi nakakaapekto sa panganib na magkaroon ng kanser. Halimbawa, ang mga intrauterine device (IUD) na hindi nakakaapekto sa hormone ay maliliit na bakal o plastik na kagamitang inilalagay sa uterus ng gynecologist para mapigilan ang pagbubuntis (MSK).
Ang dapat tandaan
Pinapataas nang kaunti ng mga iniinom na kontraseptibo ang panganib na magkaroon ng kanser sa suso at cervix, ngunit pinapababa nito ang panganib na magkaroon ng endometrial, ovarian, at colorectal cancer. Kausapin ang iyong doktor para mahanap ang pinakamainam na kontraseptibo para sa iyo.
Matuto Pa Mula sa Mga Pinagkakatiwalaang Sangguniang Ito
National Cancer Institute (NCI o Pambansang Institusyon para sa Kanser): Oral contraceptives (Mga iniinom na kontraseptibo)
MD Anderson: Cancer and the pill (MD Anderson: Kanser at ang pill)
Memorial Sloan Kettering (MSK): Birth control and cancer risk (Pagpigil sa pagbubuntis at panganib para sa kanser)
Petsa
Inilathala: Hunyo 29, 2021
Naberipika/na-update: Agosto 22, 2022