Malamang o tiyak na totoo
Hindi totoo/maling impormasyon
Hindi pa kami sigurado
Nagdudulot ng kanser ang obesity (labis na katabaan)
Ang maaaring narinig mo
Naiugnay ang pagiging obese sa iba’t ibang uri ng kanser.
Ang sinasabi ng agham sa atin
Ang pagiging obese o pagkakaroon ng mataas na body mass index (BMI) ay kondisyon kung saan hindi malusog ang dami at/o pag-distribute ng taba sa katawan. Para masukat ang pagiging obese, madalas ginagamit ng mga mananaliksik ang BMI scale, na natutukoy sa pamamagitan ng paghati ng timbang ng tao (sa kilogram) sa kanilang tangkad (sa metro) at pag-square nito. Nagbibigay ang BMI ng mas tumpak na sukat ng pagiging obese kaysa timbang lamang, ngunit may mga limitasyon ito. Halos 70% ng mga nasa hustong gulang sa U.S. ang may BMI na 25.0 o higit pa, na itinuturing bilang overweight (may labis na timbang) (25.0-29.9) o obese (30.0 at higit pa) (NCI). Gayunpaman, maraming iba’t ibang panukat sa pagiging obese, at maaaring maiugnay ang bawat isa sa mga ito sa iba’t ibang panganib na magka-kanser.
Epidemiological na Katibayan
May patuloy na katibayan na nauugnay ang mas mataas na taba sa katawan sa ilang kanser. May hindi gumagaling na pamamaga ang mga taong obese, na maaaring magdulot ng pinsala sa DNA sa paglipas ng panahon, na humahantong sa kanser. Mas malamang din na magkaroon sila ng mga kondisyon o sakit na nauugnay sa o nagdudulot ng hindi gumagaling na pamamaga: halimbawa, Barrett’s esophagus, bato sa apdo, ulcerative colitis, at hepatitis(NCI). Kabilang sa mga kanser na nauugnay sa pagiging obese ang:
- Endometrial: Ang mga babaeng obese at overweight ay 2-4 na beses na mas malamang na magkaroon ng endometrial cancer (kanser ng lining ng uterus) kaysa mga babaeng may malusog na BMI. Tumataas ang panganib na magkaroon ng endometrial cancer habang tumataas ang timbang ng mga nasa hustong gulang(NCI).
- Esophageal: Ang mga taong overweight o obese ay 2 beses na mas malamang na magkaroon ng esophageal adenocarcinoma kaysa sa mga taong may malusog na BMI (NCI).
- Gastric cardia: Ang mga taong obese ay halos dalawang beses na mas malamang na magkaroon ng kanser sa itaas na bahagi ng tiyan, malapit sa esophagus, kaysa mga taong may malusog na timbang (NCI).
- Atay: Ang mga taong overweight o obese ay hanggang dalawang beses na mas malamang na magkaroon ng kanser sa atay kaysa sa mga taong may malusog na timbang; mas malakas ang ugnayang ito sa mga lalaki (NCI).
- Bato: Ang mga taong overweight o obese ay hanggang dalawang beses na mas malamang na magkaroon ng renal cell cancer, ang pinakakaraniwang anyo ng kanser sa bato, kaysa mga taong may malusog na timbang (NCI).
- Multiple myeloma: Ang multiple myeloma ay kanser na nabubuo sa isang partikular na uri ng white blood cell (plasma cell) at naiipon sa bone marrow. Kumpara sa mga indibidwal na may malusog na timbang, mas mataas nang 10-20% ang panganib na magkaroon ng multiple myelona ang mga overweight at obese na indibidwal (NCI).
- Meningioma: Ang meningioma ay tumor na mabagal na lumalaki sa mga membrane na pumapalibot sa utak at spinal cord. Tumataas nang 50% ang panganib na magkaroon ng meningioma sa mga obese at 20% para sa mga overweight.
- Pancreatic: Ang mga taong overweight o obese ay humigit-kumulang 1.5 beses na mas malamang na magkaroon ng pancreatic cancer (NCI).
- Colorectal: Ang mga taong obese ay 30% mas malamang na magkaroon ng colorectal cancer kaysa mga taong may malusog na timbang (NCI).
- Gallbladder: Mas mataas nang 60% ang panganib na magkaroon ng kanser sa gallbladder ang mga taong obese (NCI).
- Suso: Mas mataas nang 20-40% ang panganib na magkaroon ng kanser sa suso ang mga babaeng obese na nagme-menopause (NCI).
- Ovary: Nauugnay ang mas mataas na BMI sa 10% pagtaas sa panganib na magkaroon ng kanser sa ovary para sa mga babaeng hindi pa kailanman gumamit ng hormone therapy para sa menopause (NCI).
- Thyroid: Nauugnay ang mas mataas na BMI sa 10% pagtaas sa panganib na magkaroon ng kanser sa thyroid para sa mga babaeng hindi pa kailanman gumamit ng hormone therapy para sa menopause (NCI).
Sa mga taong na-diagnose na may kanser sa suso, prostate, o colorectal cancer, ipinapakita ng pananaliksik na maaaring palubhain ng pagiging obese ang mga aspeto ng paggaling mula sa kanser (halimbawa: kalidad ng pamumuhay, pagbalik ng kanser, paglubha ng kanser, at pagligtas mula sa kanser).
Katibayan sa Laboratoryo/Pansuportang Katibayan
Sa pangkalahatan, sinusuportahan ng katibayan mula sa laboratoryo at pag-aaral sa mga hayop ang epidemiological na katibayan na nauugnay ang pagiging obese sa panganib na magkaroon ng iba’t ibang kanser.
Klasipikasyon sa Carcinogen ng IARC: Hindi klasipikado
Paano bawasan ang panganib sa iyo
Nagbibigay ang mga epidemiological na pag-aaral ng patuloy na katibayan na mas mababa ang panganib na magkaroon ng kanser sa colon, bato, suso, ovary, at endometrial cancer para sa mga taong may malusog na BMI (NCI). Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga taong nagbawas ng timbang ay may mas pinababang panganib na magkaroon ng mga kanser sa suso, colon, prostate, at endometrial cancer. Ang mga taong obese na nakatanggap ng bariatric surgery ay mukhang may mas mababang panganib na magkaroon ng mga kanser na nauugnay sa pagiging obese kaysa mga hindi nakatanggap ng bariatric surgery.
Magkapareho ang mga hakbang para maiwasan ang hindi malusog na pagdagdag ng timbang at mga hakbang para mabawasan ng timbang: regular na pag-ehersisyo, pagkakaroon ng masustansiyang diyeta, at pagsubaybay sa iyong timbang. Para maiwasan ang pagtaas ng timbang, inirerekomenda ang 150-300 minuto ng aktibidad na may katamtamang tindi kada linggo (Mayo Clinic). Kasama sa masustansiyang diyeta ang mga pagkaing mababa sa calorie at maraming nutrisyon (tulad ng mga prutas, gulay, at whole grain), pag-iwas sa saturated na taba, at paglimita ng mga matamis, alak, at naprosesong pagkain. Makakatulong din sa pag-iwas sa pagdagdag ng timbang ang pagtukoy sa mga sitwasyon na nagtutulak sa labis na pagkain at pagsubaybay sa mga sitwasyong ito. Panghuli, makakatulong din sa pag-iwas sa dagdag na timbang ang hindi pabago-bagong diyeta at ehersisyo, at regular na pagsubaybay sa iyong timbang.
Ang dapat tandaan
Pinapataas ng pagiging obese ang panganib na magkaroon ng kanser na esophageal, gastric cardia, sa atay, sa bato, multiple myeloma, meningioma, sa pancreas, colorectal, gallbladder, sa suso, sa ovary, at sa thyroid. Magkapareho ang mga hakbang para maiwasan ang hindi malusog na pagdagdag ng timbang at mga hakbang para mabawasan ng timbang: Regular na mag-ehersisyo, magpanatili ng masustansiyang diyeta, at subaybayan ang iyong timbang.
Matuto Pa Mula sa Mga Pinagkakatiwalaang Sangguniang Ito
BMI Calculator
National Cancer Institute (NCI o Pambansang Institusyon para sa Kanser): Obesity and cancer (Labis na katabaan at kanser)
MD Anderson: Obesity and cancer (Labis na katabaan at kanser)
CDC: Obesity and cancer (Labis na katabaan at kanser)
Mayo Clinic: Obesity (Labis na katabaan)
Petsa
Inilathala: Hunyo 24, 2021
Naberipika/na-update: Agosto 22, 2022