Malamang o tiyak na totoo
Hindi totoo/maling impormasyon
Hindi pa kami sigurado
Nagdudulot ng kanser ang pagkalantad sa radon
Ang maaaring narinig mo
Nagdudulot ng kanser ang radon gas.
Ang sinasabi ng agham sa atin
Ang radon ay walang kulay at walang amoy na gas na maaaring magdulot ng kanser sa baga pagkatapos ng pangmatagalang pagkalantad. Nahahati-hati ang radon sa mga radioactive na elemento sa hangin, na pumapasok sa katawan.
Itinuturing ng mga pambansa at pandaigdigang organisasyon, kasama ng International Agency for Research on Cancer (IARC o Pandaigdigang Ahensiya para sa Pananaliksik sa Kanser), National Toxicology Program (NTP o Pambansang Programa sa Toxicology), at U.S. Environmental Protection Agency (EPA o Ahensiya sa Pagprotekta ng Kapaligiran) ang radon bilang carcinogen (nagdudulot ng kanser) sa mga tao (ACS). Paninigarilyo pa rin ang pinakakaraniwang sanhi ng kanser sa baga sa Estados Unidos, pero ang pagkalantad sa radon ang ikalawang pinakakaraniwang sanhi (ACS).
Sino ang nasa panganib na malantad sa radon? Higit na mas mataas ang panganib na malantad ng mga taong nagtatrabaho sa mga lugar sa ilalim ng lupa, lalo na ang mga minero. Totoo din ito para sa mga taong nagtatrabaho sa mga pabrika para sa pagproseso ng uranium o nagkakaroon ng kontak sa mga phosphate na fertilizer. Bilang resulta, mas mataas ang pagkakataon na magkaroon ng kanser sa baga ang mga grupong ito at dapat silang mag-ingat at regular na magpasuri (ACS).
Epidemiological na Katibayan
Sa isang papel na sumuri sa 13 epidemiological na pag-aaral sa Europe, natuklasang pinapataas ng pangmatagalang pagkalantad sa radon ang panganib na magkaroon ng kanser sa baga (Darby et al.).
Katibayan sa Laboratoryo/Pansuportang Katibayan
Ipinakita ng ilang pag-aaral sa laboratoryo gamit ang mga daga at aso na ang pagkalantad sa radon ay humahantong sa pagkakaroon ng kanser sa baga(National Research Council (US) Committee on the Biological Effects of Ionizing Radiations). Kinumpirma ng ilang iba pang pag-aaral sa hayop ang mga resulta ng mga pag-aaral sa tao na ang maraming pagkalantad sa radon ay maaaring humantong sa pagkabuo ng mga tumor sa baga (NCI).
Klasipikasyon sa Carcinogen ng IARC: Group 1 (Carcinogenic sa mga tao)
Paano bawasan ang panganib sa iyo
Dahil nasa hangin ang radon, hindi natin ganap na maiiwasan ang pagkalantad dito. Gayunpaman, may mga hakbang para mabawasan ang panganib sa iyo:
- Sa iyong tahanan: I-test ang antas ng radon (EPA) sa iyong tahanan sa pamamagitan ng pagbili ng do-it-yourself kit o pagtawag sa propesyonal para i-test ang antas ng radon para sa iyo. Itinuturing bilang nakakasama sa mga tao ang mga antas na radon na higit sa 4.0 pCi/L. Mababawasan mo rin ang iyong pagkalantad dahil sa mga bitak sa pamamagitan ng pag-seal ng mga pader o sahig o pagpapabuti ng bentilasyon gamit ang mga fan at tubo.
- Sa iyong lugar ng trabaho: Nagsagawa ang OSHA at NRC ng mga hakbang para mabawasan ang pagkalantad sa radon para sa mga nagtatrabaho sa mga mina sa ilalim ng lupa (ACS).
Kung nalalantad ka sa radon at naninigarilyo ka, inirerekomenda ng mga eksperto na tumigil o bawasan ang paninigarilyo. Lubos na mababawasan nito ang pagkakataong magkaroon ka ng kanser sa baga (ACS).
Dagdag pa, kausapin ang iyong doktor tungkol sa mga regular na pag-check up sa kalusugan at mga pagsusuri para maghanap ng mga posibleng senyas ng kanser sa baga. Ang ilang sintomas ng kanser sa baga na dapat pansinin ay pangangapos ng hininga, bago o lumulubhang ubo, pananakit o paninikip ng dibdib, pamamalat ng boses, o kahirapang lumunok (ACS).
Ang dapat tandaan
Ang pagkalantad sa radon ang ikalawang pinakakaraniwang sanhi ng kanser sa baga sa Estados Unidos, pagkatapos ng paninigarilyo. Ang pagbawas sa paninigarilyo at pagtiyak na naaayon sa mga pambansang pamantayan ang iyong lugar ng trabaho at tahanan ang mga pinakamabisang paraan para mabawasan ang panganib na magkaroon ka ng kanser sa baga.
Matuto Pa Mula sa Aming Mga Pinagkakatiwalaang Sangguniang
American Cancer Society (ACS o Kapisanan sa Kanser ng Amerika): Radon and cancer (Radon at kanser)
Environmental Protection Agency (EPA o Ahensiya sa Pagprotekta ng Kapaligiran): Radon
Centers for Disease Control (CDC o Mga Sentro para sa Pagkontrol sa Sakit): Radon
Petsa
Inilathala: Hulyo 6, 2021
Naberipika/na-update: Agosto 22, 2022